Patay ang isang ginang matapos tumaob ang overloaded na sinasakyang bangka ng kaniyang pamilya sa Buluan, Maguindanao del Sur. Ang biktima, tinangka umanong sagipin ang kaniyang bunsong anak.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon na patungo sa kanilang fish cage sa Lake Buluan ang mga biktima nang maganap ang insidente.

Tinangka ng nanay na iligtas ang kaniyang bunsong anak kaya siya nalunod.

Ligtas naman ang bata at ang anim pa nilang kaanak.

Sinabi ng LGU na limang tao lang ang dapat na nakasakay sa bangka.

Nagbigay na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag ang mga nakaligtas.-- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News