Isa ang nasawi, at apat ang sugatan ang sugatan nang sumalpok ang sinasakyang kotse ng mga biktima sa likod ng sinusundan nilang truck sa Cabanatuan City.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Maharlika Highway sa Barangay H. Concepcion ng nabanggit na lungsod noong madaling araw ng November 23.

Ayon sa pulisya, pauwi na ang mga biktima sa San Leonardo nang bumangga sila sa likod ng truck.

Lakas ng pagkakabangga, nawasak ang harapan ng kotse. Nasawi ang isa sa mga nakasakay dito na 25-taong-gulang.

Sugatan naman ang apat pa niyang kasama, kasama ang 25-anyos na driver, na malubha ang tinamong pinsala sa katawan.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang mga nakaligtas na biktima, pero sinabi ng pulisya na pinakawalan na nila ang driver ng truck dahil walang reklamo na isinampa laban sa kaniya.

“In-explain namin doon sa pamilya na we will file a case against doon sa driver ng kotse, but as of now they decided na hindi muna mag-file at dahil nga magkakasama nga itong driver ng kotse at mga biktima na namatay dito sa aksidente na ito,” ayon kat Police Lt.Col. Renato Morales, hepe ng Cabanatuan City Police Station.

“Wala naman tayong maikaso kaya wala tayong ground para i-hold pa ‘yung truck [driver] na ‘yun,” paliwanag pa niya. -- FRJ GMA Integrated News