Patay na at may sugat sa leeg nang matagpuan sa isang sapa sa Argao, Cebu ang isang lalaking limang-taong-gulang. Ang hinihinalang nakapatay sa biktima, ang pinsang niyang walong-taong-gulang.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabi ng ina ng nasawing bata na may sugat sa leeg at hiwa na malapit sa taenga ang kaniyang anak nang matagpuan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na hindi umano sinasadya ng batang suspek ang nangyari sa kaniyang pinsan.
Napag-alaman na Miyerkules ng hapon nang magpaalam ang biktima na pupunta sa sapa para manghuli ng suso kasama ang pinsan.
Pero pagkaraan ng dalawang oras, umuwi na ang suspek na hindi kasama ang biktima. Nang tanungin umano kung nasaan ang biktima, hindi ito makasagot.
Ayon kay Police Executive Master Sergeant Vivian Tamayo, hepe ng Women and Children's Protection Desk (WCPD) ng Argao Police Station, ikinuwento ng suspek na naglalaro sila ng biktima sa putukin nang makiusap siya rito na kamutin ang nangangati niyang likod.
Pero sa halip na kamutin ang likod niya, sinipa umano siya ng biktima.
Sa galit, itinulak umano ng suspek ang biktima at nakalimutan niya na may hawak siyang cutter na tumama sa leeg ng biktima, na bumagsak sa tubig.
Sa takot sa kaniyang nagawa, iniwan niya ang biktima at umalis.
Humihingi umano ng patawad ang suspek sa pamilya ng biktima.
Dinala ang suspek sa Municipal Social Welfare and Development Office, na sinamahan ng WCPD para sa intervention at rehabilitation.
Umapela naman ng tulong ang pamilya ng biktima sa gastusin upang maipalibing ito.—FRJ GMA Integrated News
