Nauwi sa magkasunod na aksidente ang pagtulong ng dalawang lalaki sa babaeng naunang nabangga ng motorsiklo sa Oton, Iloilo.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa video footage ang kumpulan ng mga tao sa gitna ng kalsada habang tinutulungan ang isang babae na nabangga ng motorsiklo.
Ngunit hindi nagtagal, isang taxi na mabilis ang takbo ang dumating at nahagip ang dalawang lalaki na kasamang tumutulong sa babaeng nabangga ng motorsiklo.
Nagtamo ng sugat at gasgas sa mukha at iba pang bahagi ng katawan ang tatlong biktima. Maayos na ang kanilang kalagayan sa ospital.
Paliwanag umano ng taxi driver sa pulisya, hindi niya nakita ang mga tao sa kalsada dahil sa umuulan. Ganito rin umano ang idinahilan ng rider na nakabangga sa babae.
Inaresto ang taxi driver at rider pero pinakawalan din sila kinalaunan matapos makipag-areglo ang mga nabangga nila.—FRJ GMA Integrated News
