Malubhang nasugatan ang isang lalaki sa Talisayan, Misamis Oriental matapos siyang tagain ng suspek dahil sa komento ng biktima sa post sa social media tungkol sa ninakaw umanong manok.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, ipinakita ang video na kuha ng netizen na dalawang lalaki ang duguan at nasa kustodiya ng pulisya matapos ang insidente ng pananaga sa Barangay Poblacion nitong Huwebes ng umaga.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kinompronta muna ng suspek ang biktima habang nagtatrabaho ito bilang karpintero.
Matapos nito, umuwi ang suspek at kalaunan ay bumalik na armado ng bolo at karit, saka inatake ang biktima.
Ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Police Major Joann Navarro, lumalabas na nagkomento umano ang biktima sa social media post ng suspek na nagpaparatang na ang huli ang nagnakaw ng manok.
Dahil dito, kinompronta ng suspek ang biktima sa bahay na pinagtatrabahuhan nito bilang karpintero,
Nagtamo ng sugat sa ulo at batok ang biktima na dinala sa ospital, pero “stable” naman ang kondisyon nito.
Nadakip naman ang suspek, at nakuha rin ang patalim na kaniyang ginamit sa krimen.
Mahaharap ang suspek sa reklamong frustrated homicide.
Paalala ni Navarro, huwag basta magbibintang at maglalabas ng pahayag sa social media nang walang basehan at makasisira sa pagkatao ng iba. – FRJ GMA News
