Ang tanging nais ng Pinoy artist na si Christian Oliver Talampas ay mapansin ng idolo niyang si Michael Jordan ang pinagpaguran nilang obra ng iconic "Last Shot" ng NBA legend. Pero higit pa roon ang kaniyang natanggap.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing July 2021 nang humingi ng tulong si Talampas sa netizens para mapansin ni Jordan ang kaniyang artwork sa iconic "Last Shot" nito noong 1998 NBA Finals.

Ayon kay Talampas,  72 araw daw ang ginugol niya para matapos ang naturang obra.

Nagbunga naman ang pakiusap ni Talampas nang makita ni Bryan Apodaca, isang kolektor sa America, ang kaniyang ginawa at nakipag-ugnayan siya sa kampo ni Jordan.

"Hiningi ni Michael Jordan 'yung original artwork ko dahil nagustuhan," ani Talampas. "Agad-agad sir pinadala ko agad talaga."

Nang bumalik sa kaniya ang kaniyang obra, mayroon na itong pirma ni Jordan, ay may kasama pang larawan na nagpapakitang siya talaga ang pumirma.

Bukod sa autograph, binigyan din siya ni Jordan ng damit at playing cards na ginamit daw mismo ng dating NBA superstar.

"Ang hirap paniwalaan. Ang ine-expect ko nga, gusto ko sana picture man lang na hawak niya pero sobra-sobra 'yung binigay niya," ani Talampas. "Sabi nila makakatulong daw 'to sa career ko as an artist."

Ayon sa isang kolektor, tumataas ang halaga ng mga bagay na pinipirmahan ni Jordan tulad sa sapatos.

Pero para kay Talampas, ang mas mahalaga ay napansin ng kaniyang idolo ang kaniyang ginawa.

"'Wag kayong mawawalan ng pag-asa na magtiwala sa sarili n'yo, na maniwala kahit wala nang naniniwala sa 'yo," saad niya. --FRJ, GMA News