Ang eksena sa pelikula na pagtarget sa asteroid upang hindi sumalpok sa mundo, naging malapit na sa katotohanan sa pamamagitan ng Earth defense system project ng  National Aeronautics and Space Administration (NASA).

Sa ulat ng Reuters, inihayag ni Nancy Chabot, coordination lead ng Double Asteroid Redirection Test o DART mission, na naging matagumpay ang kauna-unahang pagsubok sa planetary defense system.

Matagumpay kasing naipatama ang DART spacecraft sa isang asteroid na may hypersonic speed.

Ginawa ang pagpapasalpok ng DART spacecraft upang malaman kung mababago ang direksyon ng asteriod o anumang celestial body sa pamamagitan ng kinetic force upang hindi ito bumangga sa mundo.

Pero paglilinaw lang, ang tinarget na asteriod ng DART (o ang 'moonlet' na tinawag na Dimorphos) ay wala sa direksyon o hindi talaga tatama sa mundo kaya walang dapat ikabahala.

Sinaksihan ng mga tauhan ng NASA sa labas ng Washington D.C., ang naturang pagsubok sa planetary defense system.

"The test went spectacularly. It was really everything that we expected, and even, honestly, more. We were sitting there watching these images come in as we got closer and closer to Dimorphos, saw those surface features, and they came into focus. I think all of us had said it would be spectacular - and it was," ayon kay Chabot.

Pero kahit naging tagumpay ang pagpapatama ng DART spacecraft, sa Oktubre pa malalaman kung magkakaroon ng pagbabago sa trajectory o direksyon ng asteriod.

"That's our number two goal. Number one was hit the asteroid, which we've done. But now number two is really measure that period change and characterize how much ejecta we actually put out," sabi ni Elena Adams, isa sa mga mission's engineers.

Gayunman, sinabi sa ulat na ang Dimorphos o maging ang parent asteroid nito na Didymos ay maliit kung ikukumpara sa cataclysmic Chicxulub asteroid na tumama sa mundo na tinatayang 66 milyon taon na ang nakalilipas, at sinasabing lumipon sa three-quarters ng mga halaman at animal species sa mundo--kabilang ang mga dinosaur.

Sa lahat ng near-Earth asteroids na binabatayan ng NASA, wala sa mga ito ang nakikitang banta sa mundo. Gayunman, naniniwala ang NASA na marami pa rin ang near-Earth asteroids na hindi kaagad nakikita. —Reuters/FRJ, GMA News