Inaresto ang isang pulis dahil sa halip na taser, baril ang kaniyang nabunot at napaputukan ang hinahabol niyang lalaki sa Connecticut, USA. Nang sumailalim sa remedial training, baril pa rin ang kaniyang nabunot imbes na taser kaya inilagay na siya sa restrictive duty.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ng paghabol ni Officer Brandon Thomas sa isang lalaki.
Ilang saglit pa, bumunot ng armas si Officer Thomas na kaniyang itinutok sa suspek at kinalabit ang gatilyo. Nang may kasama itong putok, napagtanto niyang baril ang kaniyang hawak at hindi taser o pangkoryente.
"Oh s***! I did not mean to do that," maririnig sa video.
Bago ang habulan, sinita ng pulis ang lalaki matapos makitaan umano ng marijuana ang sasakyan nito.
Bukod dito, nakarehistro rin sa ibang sasakyan ang license plate ng kotseng ginamit ng lalaki.
Matapos masita ni Officer Thomas, mabilis na tumakbo ang suspek.
Habang naghahabulan, nagbabala ang pulis na gagamit siya ng taser gun, ngunit tunay na baril pala ang kaniyang nabunot.
Sa kabutihang palad, hindi tinamaan ang suspek.
Habang dinadakip ang lalaki, kinompronta niya ang pulis.
"Bro, you shot at me, man," sabi ng suspek sa pulis, na todo naman ang tanggi na siya ang nagpaputok.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang Office of the Inspector General sa insidente, at nakumpirmang baril nga ang naiputok ni Officer Thomas.
Dinakip ang pulis dahil sa mga kaso na second-degree reckless endangerment at unlawful discharge of a firearm.
"The discharge was not accidental; it was an error. Officer Thomas bears responsibility for that error," ani State Inspector General Robert Devlin.
Isinailalim sa remedial training si Thomas. Sa ikalawang pagkakataon, baril na naman ang kaniyang nahugot sa halip na taser.
Napagtibay nito ang resulta ng imbestigasyon at inilagay na siya sa restricted duty. – FRJ, GMA Integrated News
Pulis na inakalang taser ang hawak, aksidenteng ‘nabaril’ ang hinahabol na suspek
Hulyo 8, 2025 5:13pm GMT+08:00
