Nakatanggap ng pamosong Michelin Bib Gourmand ang negosyong Cochinillo [kotsinilyo] o lechong-biik ng aktor at chef na ngayong si Marvin Agustin. Ngayong kilala na siya bilang isang matagumpay na restaurateur, aminado ang aktor na hindi madali ang food business.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang restawran na “Cochi” ni Marvin, na Pinoy at Spanish inspired sa BGC sa Taguig.
“But more importantly inspired by my childhood recipes and my travels,” ani Marvin, na hindi makapaniwala sa nakuha niyang award.
“Bib Gourmand is for restaurants that's serving, not necessarily cheap and affordable, but value for money,” sabi pa niya.
Matapos makuha ang award, nagtriple umano ang mga kostumer nina Marvin at nakisaya rin ang kanilang loyal customers.
“Siguro tinitingnan nila kung ano ‘yung level ng restaurant na merong Michelin Guide. Kasi this is something very unfamiliar 'to Filipinos. Maski nga sa akin, honestly, medyo unfamiliar ako du’n sa buong process,” saad pa ng Pinoy actor.
Hinahango umano ni Marvin ang kanilang biik mula sa Marinduque. Mina-marinate ang biik o kotsinilyo ng mga herbs and spices ng 24 oras, bago lulutuin ng halos tatlong oras.
Nang tanungin kung bakit naisipan ni Marvin na putaheng kotsinilyo, tubog niya, “Well, I love lechon. Minsan, nagbibiyahe pa ako ng Cebu para lang kumain ng lechon ‘pag ako'y nalulungkot. So, during pandemic, I learned how 'to bake. ‘Yung kaibigan ko na nagsu-supply ng malaking ovens, binigyan niya ako ng gives.”
“Ano bang puwede kong gawin? Eh, I love pork. So, naisip ko sa clean pig, buti ‘yung isang supplier, tinuruan niya akong mag-butterfly ng biik. Tapos, mahilig akong magtimpla ng mga rub sa steak. Nilagay ko ‘yung kung paano ko na-imagine na magiging masarap ang isang kotsinilyo,” pagpapatuloy niya.
Kalaunan, sinabi ni Marvin na marami nang nag-order ng kotsinilyo. Bagaman nagkaroon ng problema noon sa naturang negosyo, nagawang makabangon si Marvin.
“I've been doing it for like almost two years during pandemic. Dumami nang dumami ang orders. I had 'to talk 'to every customer sa lahat ng mga naging problema namin. 'yung iba, naging mas loyal pa sa amin. ‘Yung iba, mas naging kaibigan namin kasi parang nakita nila like sincerity du’n sa mistake na nangyari sa amin,” kuwento niya.
Sa lambot ng balat at laman ng kotsinilyo ni Marvin, puwede nang hindi magkutsilyo kundi puwede na itong hiwain gamit ang plato.
Mahirap ang buhay noon
Binalikan ng aktor ang kaniyang pinaghuhugutan sa kaniyang pagpupursigi sa negosyo.
“‘Yung family namin, na-challenge talaga nu’ng nawalan ng trabaho 'yung daddy ko. Tapos nakulong siya. 'Yung mommy namin had 'to actually work for the three of us na magkakapatid na lahat nag-aaral na kami. 'Yung pinag-aaral sa private school, pero kami 'yung pinakamahirap at hirap na hirap sa buhay na hindi nakapag-exam on time tuwing merong exam nasa labas ako ng classroom,” kuwento niya.
Dahil dito, nagtulung-tulungan silang magkakapatid at nagtrabaho sa fast food at iba pang restaurant. Kaya naman kaya na ni Marvin na mag-asikaso ng buong restaurant sa edad 16.
Nang tanungin naman kung maganda bang pasukin ang food business, sabi ni Marvin, “Okay kung mahal mo 'to. Okay kung gusto mo 'to. Dahil isa 'to sa pinakamahirap na trabaho, isa 'to sa pinakamahirap na negosyo. Very possessive itong negosyo na 'to. Dahil kailangan mo siyang bantayan at asikasuhin araw-araw. At hindi mo kakayanin mag-isa. You would need the entire team.”
“Minsan mukha lang siyang glamorous. Sabi nga namin 'yung Michelin awarding, baka akala nila ‘pag nakaapak ka roon, okay na. Yan ay total opposite ng trabaho sa loob ng restaurant, lalo na sa loob ng kusina. Kasi blood, sweat and tears talaga ang aabutin mo,” dagdag ni Marvin.
Ayon pa sa aktor, palaging magbibigay ng pagsubok ang buhay kaya dapat na magpursigi.
“Magtrabaho ka para guminhawa ang buhay mo, hindi pala siya ginhawa ng gano'n-gano'n lang. Walang ibang formula kundi paghihirapan mo lang. Next level na hirap kung nagbibigay ka ng hard work dati, harder work pala dapat ngayon,” paliwanag niya. – FRJ GMA Integrated News
