Pararangalan ng Department of Labor and Employment (DOLE Region 7) ang isang wing van driver na natanggal sa trabaho matapos niyang gamitin ang sasakyan ng kompanya upang iligtas ang mga taong inanod ng baha sa Barangay Cotcot, Liloan, Cebu noong manalasa ang Bagyong Tino.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing nakatakda ring imbestigahan ng ahensya ang may-ari ng wing van dahil wala umanong sapat na dahilan para tanggalin sa trabaho ang driver na si Francis Anthony Narvasa.

Sa video, makikita kung papaano ginamit ni Narvasa, at dalawa niyang kasama, ang van upang sagipin ang anim na tao na tinangay ng malakas na agos ng tubig noong Nov. 4. Umani ng papuri mula sa mga nakapanood ng video ang ginawa nila.

Napag-alaman na isang pulis ang humiling kay Narvasa na tulungan ang mga taong naipit sa baha at hindi siya nagdalawang-isip.

Gayunman, tila hindi umano nagustuhan ng may-ari ng van ang ginawa ni Narvasa at inalis siya sa trabaho.

Kabilang naman sa pumuri sa kabayanihan ng tubong-Leyte na si Narvasa ay si Cebu Governor Pamela Baricuatro.

Iniutos niya na kunin bilang driver sa Cebu Provincial Capitol si Narvasa nang malaman niya na nasibak ito sa trabaho dahil sa kaniyang pagsagip sa mga Cebuano.

Paparangalan naman ng DOLE Region 7 ang ginawang kabayanihan ni Narvasa sa Disyembre na kasabay ng anibersaryo ng kagawaran.

Sinabi pa ni DOLE 7 Regional Director Atty. Roy Buenafe, na sisiyasatin nila ang ginawang pagsibak kay Narvasa na hinihinalang hindi naging makatwiran.

Ayon kay Buenafe, dapat na kilalanin at bigyan ng gantimpala ang ginawang kabayanihan ni Narvasa sa halip na parusahan.

Isasama ng ahensiya sa imbestigasyon ang pagtulong kay Narvasa para makuha nito ang mga nararapat niyang mga benepisyo sa kaniyang pinagtrabahuhan.—FRJ GMA Integrated News