Nagdudulot umano ng kalituhan at naiipit ang mga residente sa isang barangay sa Mangaldan, Pangasinan dahil sa pagkakaroon nila ng dalawang nakaupong punong barangay.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing nagsisilbing parehong OIC chairman sa Barangay Poblacion sina first kagawad Federico Eric Limon II at  second kagawad Vincent Sarsaba.

Naging OIC ang dalawa matapos na masuspindi ang talagang punong barangay nila na si Melinda Morillo.

Matapos masuspindi si Morillo, itinalaga ng Sangguniang Bayan bilang OIC ng barangay si Limon.

Pero gumawa ng resolusyon ang mga kagawad ng barangay kasama ang SK chairman na nakasaad na hindi nila kinikilala si Limon bilang OIC, at itinalaga nilang OIC si Sarsaba.

Sa ilang dokumento ng barangay, dalawa ang nakapirmang OIC.

Ang mga residente tulad ni "George," aminadong apektado sila sa sitwasyon sa kanilang barangay.

"Apektado kami siyempre kasi hindi naman alam kung sino ang kakausapin. Problema ngayon katulad nung mga pangongolekta ng basura minsan nilalabas namin basura dyan hindi nakokolekta," ani George.

Hindi nagpaunlak ng panayam ang mga barangay kagawad pero sa kanilang sulat sa GMA Regional TV, sinabi nila na hindi kayang gampanan ni Limon ang kaniyang tungkulin.

Hindi rin daw pinipirmahan ni Limon ang mga nag-aaply ng barangay business clearance permit.

Pero ayon kay Limon, ilegal ang paniningil ng business permit na may mataas na bayad.

Iyon daw ang dahilan kaya natanggal ang dati nilang punong barangay.

Sinabi naman ng isang opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Mangaldan, na ilegal ang ginawang pagtatalaga kay Sarsaba.

"Mag-file sila sa Sangguniang Bayan o sa Ombudsman. Hindi yung basta-basta nilang tinanggal yung OIC through barangay resolution. Ang binibigyan lang ng karapatan para magtanggal ng isang elected official, korte lang," ayon kay Rosemarie Soriano, Mangaldan Municipal DILG Officer. --FRJ, GMA News