Ilang buwang makaraang magkulay dugo ang tubig sa isang creek sa Quezon City, ngayon naman ay naging kulay gatas ito.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing noong nakaraang July 27 nang makitang naging kulay pula ang tubig sa creek sa Barangay Bahay Toro.

Nitong Miyerkules naman nang mapansin ang pagiging kulay puti ng tubig.

“Nakakakaba po kasi once ko lang siya nakita simula nung ano dito. Isang beses ko pa lang siya nakita simula nung dumating kami dito,” ayon kay Joan Manlapaz.

Napansin din ng mga residente na tila may langis ang tubig.

Kinakabihan ng Miyerkules bumalik na sa normal ang kulay ng tubig sa creek.

“Nitong March po nag-iba-iba. May kulay violet, kulay green, tsaka kulay black. Sabi lang nung mga bata, ibang kulay na naman. Eh di tingnan namin. Ganon lang po, parang sanay na kami,” sabi ni Victoria Berza.

Inireport na ng pamunuan ng barangay sa Department of Environment and Natural Resources ang dalawang insidente.

Kumuha na rin ng sample sa tubig pero ginawa ito sa panahon na normal na ang kulay ng tubig.

Inaasahan na malalaman ang resulta sa susunod na linggo.

Pinababantayan din ng opisyal ng barangay ang creek para alamin kung saan nagmumula ang pagbabago ng kulay ng tubig.--FRJ, GMA News