Masuwerteng nahuli ng isang mangingisda, kasama ang ilan niyang mga kaanak ang isang Giant Blue Marlin sa Santa Ana, Cagayan.

Sa ulat ng Mornings with GMA Regional TV, sinabi ni Jhong Ignacio, na 38 taon nang nangingisda, na huli nila ang dambuhalang isda sa karagatang sakop ng kanilang lugar.

Ayon kay Ignacio, may bigat na 210 kilo at may habang walong talampakan ang nahuli nilang blue marlin.

Hindi na nahirapan si Ignacio na ibenta ang dambuhalang isda dahil ang mga nagbebenta ng naturang isda ang nagpunta sa kanilang bahay para bilhin ito.

Itinuturing niyang malaking biyaya ang nahuling isda dahil ang kaniyang kinita ay ginamit umano niya sa pambili ng mga gamit at pagkain.

Bago nito, sinabi ni  Ignacio na may nahuli na rin siyang isda na mas malaki pa sa naturang blue marlin tatlong taon na ang nakararaan.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News