Nagtamo ng lapnos sa katawan ang isang lalaki sa Iloilo matapos magliyab ang kaniyang katawan. Ang biktima, uminom at nagbuhos muna ng gasolina para umanong gawing "content."

Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV sa GMA New "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang video footage ng nakahubad na lalaki sa bayan ng Calinog nang inumin niya at pagkatapos ay ibuhos sa katawan ang dalang gasolina, at pagkatapos ay sinindihan ang sarili.

Kaagad na natumba sa lupa ang biktima, at nagtamo siya ng second degree burns sa katawan.

Base sa imbestigasyon ng awtoridad, dating tricycle driver na nawalan na nang ganang mamasada ang lalaki na nakilalang si Isagani Canja.

Dahil dito, naging content creator siya sa social media. Ginawa umano nito ang naturang stunt para madagdagan ang kaniyang followers at views.

Dahil sa matinding lapnos na tinamo sa katawan, nananatili siya sa ospital.

Nagsisisi naman si Canja sa kaniyang ginawa at nag-iwan ng mensahe sa iba.

"Huwag nilang sundin ang content ko dahil napakadelikado. Sa mga baguhan diyan, na-experience ko na huwag nating gawin sa pag-vlog," saad niya.

Ayon sa duktor, marami ang masamang epekto ng ginawa ni Canja, pati na ang ginawang pag-inom ng gasolina.

"Ang chronic exposure ng tao sa petroleim gases can even lead to coma, death or cancer. How much more na ininim niya? Dapat iwasan talaga," sabi ni Dra. Ma. Socorro Quinon, head Iloilo Provincial Health Office.-- FRJ, GMA Integrated News