Nasagip ng mga awtoridad ang isang aso na 12 oras na naipit matapos mapaluputan ng soccer net sa Midsalip, Zamboanga del Sur.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Poblacion A, noong Linggo dakong 8:00 am.
Ayon kay Diego Clavedo, Operation and Warning Chief ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), sinabi ng may-ari ng aso na naglalaro ang kaniyang alaga kasama ang isa pang aso nang makulong ito sa net.
Hindi umano naging madali ang pagligtas sa aso dahil sa agresibo ito kaya naging maingat ang mga tauhan ng MDRRMO upang mapakawalan ang hayop.
Maging ang mga residente, nag-aalinlangan na tumulong sa takot na makagat sila.
Pagkaraan ng 12 oras mula nang maipit sa net, ligtas na nakawala sa pagkakabuhol ang aso at nakabalik na sa kaniyang amo.—FRJ, GMA Integrated News
