Dinala sa pagamutan ang nasa 200 mag-aaral at dalawang guro matapos silang mahilo at may mga nawalan ng malay habang dumadalo sa grand parade sa pagsisimula ng intramural meet sa isang paaralan sa Isabela City, Basilan nitong Huwebes. Ang dahilan ng pagsama ng kanilang pakiramdam—matinding init.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabi ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), na umabot ang heat index sa Isabela sa naturang araw sa 33 hanggang 41 degrees Celsius.
“They fainted, lost consciousness due to heat exhaustion. Hinimatay dahil sa init ng panahon. Umabot po siya ng between 33 to 41°C (heat index),” ayon kay CDRRMO Head, Uso Dan Salasim.
Batay sa tala ng Basilan National High School, nasa 187 non-athlete students at dalawang guro ang dinala sa ospital.
Sa nasabing bilang, 152 ang pinauwi na, at 35 ang patuloy na inoobserbahan pero mayroon na silang mga malay at inaasahan na pauuwiin na rin.
Kasama sa mga nakauwi ang dalawang guro.
Ayon sa school principal, karamihan din sa mga mag-aaral na naapektuhan ng matinding init ay hindi umano nakakain ng kanilang pananghalian dahil sa kasabikan sa naturang aktibidad.
“Karamihan po sa sagot nila, hindi sila nakapag lunch dahil sa excitement nila after 6 years bago nabigyan ng oportunidad na magkaroon ng ganito na mga activity. Hindi lang sa classrooms ang learning na makuhanan natin,” paliwanag ni Basilan National High School Principal, Dr. Arnel Balang Hajan.
Sasagutin umano ng paaralan sa tulong ng lokal na pamahalaan ang gastusin sa ospital ng mga estudyante at mga guro.
Tiniyak din ni Hajan na nasunod ang mga panuntunan ng Department of Education (DepEd) tungkol sa pagdaraos ng outdoor activities.
“We adhere to DepEd guidelines that no outdoor activity from 10 o’clock in the morning to 2 o’clock in the afternoon. That‘s why we commenced our opening and grand parade at 2 o‘clock kahapon,” ani Hajan.
Sa kabila ng nangyari, natuloy ang naturang aktibidad. – FRJ GMA Integrated News
