Sa nakaraang episode ng “I Juander,” ikinuwento ng magsasakang si Resting Ramos, mahigit 50 taon nang nag-aalaga ng baka, na todo siya sa pag-aalaga sa mga inahing baka nang mabuntis ito.
Ngunit sa araw ng panganganak nito, laking pagtataka ni Tatay Resting na hindi pa rin lumalabas ang guya o ang batang baka makaraan ang ilang oras.
“Kahit anong hila ang gawin ko, hindi ko siya kayang makuha. Sa doon ako nag-isip, sabi ko, hindi siya normal na baka. Tumawag na ako sa Department of Agriculture ng Taisan,” sabi ni Tatay Resting.
Agad namang sumaklolo ang Agricultural Officer ng Taisan na si Tito Ortega.
“Pagtingin ko nga, hindi na makatayo na ‘yung inahin, pagod na pagod na. Napansin ko, malaki ang ulo. So nag-decide ako na hilahin na lagyan ng tali,” sabi ni Ortega.
Pagkalabas ng guya, laking gulat nina Tatay Resting sa hitsura nito.
“Eh, nu’ng makita ko agad na gayon, eh, siyempre, nagulat ako. Kasi hindi ko inaakalang gano'n na mangyayari. Talagang may halong kaba, takot. Ba't gano'n? Sa haba-haba nga ng panahon lang tayo nag-aalaga, ngayon lang tayo naka-engkwentro ng ganiyan. Akala ko nga sa comics lang ‘yan,” sabi ni Tatay Resting.
Bihirang mangyari sa Pilipinas ang mga kambal-ulong hayop.
Noong 2020, isang biik sa Ilocos Norte ang isinilang na may dalawang ulo rin, pati na rin ang isang kalabaw sa Zamboanga del Sur noong 2022.
Sa kasamaang palad, hindi nabuhay ang mga pambihirang hayop.
“Ang pagkakaroon ng dalawang ulo, medyo bihira ‘yan, hindi siya madalas na nakikita. Ang tawag sa kaniya ay bicephaly. Meaning, ito 'yung conjoined twin. Kambal
Yan. 'Yung egg, nag-split ‘yan pero hindi siya tuloy-tuloy naghati,” paliwanag ng zoo and wildlife veterinarian na si Dr. Romulo Bernardo.
Hindi na umasa si Tatay Resting kahit pilit nilang sinasagip ang buhay ng kanilang kambal-ulong baka, na namatay din kalaunan.
“Nawalan ng hininga, ay nagdesisyon na akong agad-agad siyang ilibing. Pero malungkot din. Ganoon talaga,” sabi ni Tatay Resting.
Samantala, bihira lamang na mga anak ng higit sa isa ang hayop na gaya ng baka.
Isa si Gilbert Montalbo sa nabiyayaan ng kambal na baka.
“Aba, hindi lang talaga tuwa. Talagang sobrang tuwa. Nailaklahin niyo na dalawa agad,” sabi ni Gilbert.—Jamil Santos/LDF GMA Integrated News
