Matapos mamaalam ang karakter niyang si “Tonet, ” labis ang pasasalamat ni Shuvee Etrata sa cast at crew ng kinabilangan niyang GMA Prime action series na "The Master Cutter."

Sa isang panayam ng GMA Network, inihayag ni Shuvee na na-sepanx na siya sa mga kasamahan at katrabaho sa serye nang mamaalam na si Tonet.

Dumanas si Tonet ng isang malagim na kamatayan dahil kay Martina (Max Eigenmann) para panatilihin ang lihim ng pamilya kina Atoy (Dingdong) at Audrey (Max Collins).

Gayunman, tinitiyak ni Shuvee na nagpapakita siya ng kabutihan sa cast at crew na kaniyang katrabaho.

“I always make sure I go in every show, in every event, in every taping. Alam mo ‘yun, as my jolly self, for me to be able to shine my light onto these people kasi ‘di naman natin alam ‘yung pinagdadaanan ng mga tao,” saad niya.

“A little bit of your kindness or a little bit of your happiness could scatter and it could make a lot of people's lives better or mas masaya,” dagdag ni Shuvee.

Kuwento ni Shuvee, gusto niyang ibahagi sa mga staff at crew ang mga regalo ng ilang brands na kaniyang natanggap.

“Nung pumasok ‘yung brands, gusto ko sila i-share. Para sa akin, sila ang dapat talagang may matanggap. Kaming mga artista, sa front lang naman po kami. Nasa harap lang kami nito,” patuloy niya.

“Ang dami pong nasa likod ng camera na ‘yan. So ang daming pinag-iisipan, ang daming nag-iisip, ang daming gumagawa. Hindi lahat ito mabubuo kung wala silang lahat,” dagdag ni Shuvee.

Bukod dito, nagbigay din siya ng mga regalo sa kaniyang co-stars.

“Gusto ko talagang ibigay sa kanila 'yung pasasalamat na for the past months that I was with them, naging masaya 'yung buhay ko. At sila 'yung naging normal ko. Sila ‘yung naging everyday life ko. So nasanay ako with them,” kuwento ni Shuvee.

“‘Yung parang gigising ka sila kasama mo. 2 a.m. na sila pa rin kasama mo. Pagod ka na sila pa rin nakakakita sa'yo. Lahat ng vulnerabilities ko as a person nakita nila. And they still, they love me. You know, they make me feel so loved. So ‘yun lang sana ‘yung maibabalik ko,” patuloy niya.

Mapanonood ang "The Master Cutter" gabi-gabi sa GMA Prime pagkatapos ng "24 Oras." Mapapanood din ito sa Netflix.-- FRJ GMA News