Limang binatilyong nasa edad 14 hanggang 16 ang dinakip matapos ireklamo ng pag-gang rape sa isang babae na may problema umano sa pag-iisip sa Laoag, Ilocos Norte.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabi ng awtoridad na kinilala ng 28-anyos na biktima ang mga suspek na pawang kapitbahay lang niya.

Naaresto ang lima sa isinagawang follow-up operation.

Pero depensa ng isa sa mga suspek, ang biktima raw ang unang nagyaya nang magpunta ito sa kubo na may dala umanong love letter at kalakip na P100.

Ang magulang naman ng isa sa mga suspek, humihingi ng patawad sa ginawa ng anak.

Sa isinagawang medical examination sa biktima, positibong ginalaw ang biktima.
Sinampahan ng kasong rape ang mga suspek sa piskalya, habang nasa  pangangalaga ng social welfare department ang biktima at isasailalim sa psychological examination.

Nakakausap at nakasasagot umano nang maayos ang biktima, ayon sa DSWD.

Ang mga suspek, pansamantalang ilalagay sa DSWD dahil mga menor de edad at isasailalim din sa counselling.

Sa ilalim ng batas, maaari din silang ilagay sa Bahay Pag-asa kung kailangan para sa kanilang rehabilitasyon dahil mabigat ang krimen na ibinibintang sa kanila.-- FRJ, GMA News