Nauwi sa pamamaslang ang inuman ng dalawang lalaki sa Laoag City, Ilocos Norte, matapos silang magmurahan hanggang sa paghahatawin ng suspek ng kahoy ang ulo ng biktima.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing kasagsagan noon ng bagyong Ompong habang nag-iinuman sina Larry Espiritu at Agripino Placido.
Ngunit nagmurahan silang dalawa. Kaya habang pauwi na si Placido, pinagpapalo siya ni Espiritu ng kahoy sa ulo hanggang sa mamatay.
Natagpuan na lang ang katawan ni Placido sa isang kulungan ng baboy.
Umamin ang suspek sa krimen, na tila ipinagmamalaki pa ang nagawa.
Isang pakete ng hinihinalang shabu ang nakuha sa kaniya. Mahaharap siya sa reklamong murder at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002. —Jamil Santos/LBG, GMA News
