Dinaluhan ng maraming fans ang Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) 3 Grand Fancon ngayong Sabado. Bukod sa mga perya games at meet and greet sa mga paboritong artista, mayroon ding live performances kasama ang bandang Ben&Ben.

Umaga pa lang ay mahaba na ang pila para sa #PPPGrandFanCon.

Bukod sa mga palaro, nasa event din ang mga booths ng mga pelikulang kalahok sa PPP.

Ang mga mananalo sa mga extra game challenge ng Perya Game booths ay mabibigyan ng mga PPP Festival Pass.

Ang #PPPGrandFanCon ay inorganisa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) para maka-bonding pa ng fans ang mga artistang kabilang sa PPP 2019, pati na rin ang kanilang mga pelikula.

Inanunsyo na ang 10 pelikulang kasali sa PPP 2019. Ito ay ang LSS (Gabbi Garcia, Khalil Ramos at bandang Ben&Ben); The Panti Sisters (Paolo Ballesteros, Martin del Rosario at Christian Bables, Adi Raj); Watch Me Kill (Jean Garcia, Jay Manalo); Circa (Anita Linda, Gina Alajar, Laurice Guillen, Jacklyn Jose, Ricky Davao, special participation ni Eddie Garcia); Cuddle Weather; "G!"; I'm Ellenya L. (sa direksyon ni Boy 2 Quizon); Open; Lola Igna (Ms. Angie Ferro); at Pagbalik.

May temang “Pamilya, Pagkakaibigan, Pag-ibig,” ang PPP ay tatakbo mula Setyembre 13 hanggang 19, 2019. — Jamil Santos/DVM, GMA News