Hinahanap na ng mga awtoridad ang lalaking nakuhanan ng video na nagsasayaw sa ibabaw ng umaandar na tricycle na brief lang ang suot sa Iloilo City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, sinabing nakuhanan ng video ang lalaki kaninang madaling araw sa Diversion Road sa bahagi ng Mandurriao.
Sa viral video, makikita na may suot din na helmet ang lalaki, na mariing kinondena ni Land Transportation Office-Region 6 Director Atty. Guidioso Geduspan II, dahil sa peligroso nitong ginawa.
Bukod sa peligro sa sarili, nalalagay din umano sa alanganin ang kaligtasan ng ibang motorista.
Nagpapatulong ang ahensiya sa publiko upang matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki at ibang sangkot sa insidente para maipatawag at mapadalhan ng show cause order.
Sa isang pahayag, kinondena rin ni Mayor Raisa Treñas ang ginawa ng naturang lalaki.
“As a woman, a mother, and your mayor, I cannot ignore the disturbing video circulating online showing a man, wearing only briefs, dancing and exposing himself atop a moving tricycle along Diversion Road, Mandurriao,” ayon sa alkalde.
“This act is not only indecent, it is also dangerous and irresponsible. Such acts of public indecency and blatant disregard for road safety have no place in a city that values discipline, respect, and decency,” dagdag pa niya.
Inutusan ng alkalde ang Traffic Transportation Management Office at Iloilo City Police Office na imbestigahan at tukuyin ang mga responsable, at panagutin sa kanilang ginawa. – FRJ GMA Integrated News
