Isang 16-anyos na dalagita ang ginahasa umano ng anim na lalaki na kanyang nakainuman sa Tondo, Maynila, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Ayon sa dalagita, inaya raw siya ng kanyang kaibigan na si Paul Cedrick Diwa na mag-inuman sa kanilang bahay nitong Martes nang madaling araw. Ngunit matapos daw ang ilang tagay, bigla raw siyang nahilo at nawalan ng malay.

Nang bahagyang magising, ginagahasa na umano siya ni Angelito Gonzales at pinapanood pa raw sila ng isa pa sa mga suspek na si Prince Jomari Diwa.

“Pilit ko pong pinipiglas yung katawan niya po sa akin,” sabi ng biktima.

Nang tuluyang magkamalay, umuwi na siya ng bahay at nagsumbong sa kanyang magulang.

“Makulong sila, kasi nag-iisang anak ko lang yan na babae. Bata pa yan, 16 lang 'yan. Naawa rin po ako sa ginawa nila sa anak ko, iika-ika hindi makalakad,” anang ina ng biktima.

Dumulog ang biktima at pamilya nito sa mga pulis at naaresto ang tatlo sa mga suspek.

“Sa inisyal naming pag-iimbestiga, ay nakikita namin na may pinainom dito sa batang ito. Sapagkat nung amin siyang ini-interrogate kanina sa taas, ang tagay lang naman daw ay ganoon, konti lang parang shot-shot lang. Bigla siyang nag-blackout o nawalan siya ng malay matapos siyang maka-shot ng mga apat na beses,” sabi ni Manila Police District Station 1 commander Police Lieutenant Colonel Rey Magdaluyo.

Itinanggi ng mga suspek ang paratang. Ayon kay Gonzales, hindi raw nila pinagplanuhan ang panggagahasa.

“Dahil po sa nakainom lang po. Napagtripan lang po ng mga tropa,” ani Gonzales. “Parang wala lang sa kaniya na, sige lang, parang ganun lang po.”

Itinanggi rin ni Prince Jomari na pinapanood niya ang panggagahasa sa biktima dahil tulog daw siya nang maganap ang insidente.

“Nasa kama po, nasa higaan po ako. Tapos sila po hindi ko po alam kung sinong mga pumapasok. Andun lang po ako sa kama natutulog po talaga ako. Hindi po ako gising nun. Hindi po totoo yung may nanonood sa kaniya,” giit niya.

Sinabi ni Gonzales na hindi lang siya ang gumalaw sa biktima dahil may nauna pa raw sa kanya na pinangalanganan niyang ‘Tado’ at may pumasok pa raw na dalawang lalaki paglabas niya.

“Meron po, pero hindi ko po alam na ni-rape po talaga siya kasi yun lang po ang pagkakaalam ko, kasi paglabas ko po may pumasok po na dalawang lalaki,” sabi ni Gonzales.

Handa naman daw pakasalan ni Gonzales ang  biktima huwag lamang siyang makulong, pero tinanggihan ito ng dalagita.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang sinasabi ni Gonzales na ‘Tado’ at dalawa pang lalaki na posibleng humalay din sa dalagita.

Haharap ang mga suspek sa reklamong rape sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. —Joviland Rita/KBK, GMA News