Hinarang ang isang rider ng motor na susunduin dapat ang kaniyang buntis na misis sa may boundary ng Cainta-Pasig, sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sa tweet ni Mark Makalalad ng Super Radyo DZBB, inilahad ng rider na taga-Cainta, Rizal, na tatlong buwan nang buntis ang kaniyang misis.

"'Yung misis ko nagtatrabaho dito sa Cubao, BPO... Ngayon po naglakad na 'yung misis ko galing Cubao papunta po rito sa may Ligaya na, eh buntis pa ho," saad ng motorcycle rider.

Isa namang doktor mula rin sa Cainta ang napilitang maglakad papunta ng Pasig City sa Metro Manila matapos harangin ang kaniyang sasakyan sa checkpoint.

Ayon pa rin sa ulat ni Mark Makalalad sa Dobol B sa News TV nitong Martes, ibinahagi ni Dr. Eugenio na tatlo at kalahating oras nang nakahinto ang kaniyang sasakyan sa checkpoint sa East Bank Road, na border ng Cainta ay Pasig City.

“Pupunta ako sa Brgy. Medical Clinic. Kailangan ako roon eh,” saad ni Dr. Eugenio.

“I-report niyo na ito. Three and half hours, andun kami. Alas singko [ng umaga], hindi kami makapunta rito,” dagdag niya.

Ipinahinto muna ang public transportation bunga ng enhanced community lockdown na idineklara ni Presidente Rodrigo Duterte nitong Lunes.

Gayunman, nagresulta ito sa pagkumpol ng mga commuter at motorista sa mga checkpoint areas sa mga boundaries ng Metro Manila at mga probinsiya. --Jamil Santos/KBK, GMA News