Arestado na ang dalawang suspek sa pagpatay sa pro-BBM vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.
“I would like to inform the public that we have already arrested the two suspects in the killing of the vlogger, also known as Mima. So we have taken into custody alias ‘MS,’ who is the gunman, and alias ‘GA,’ the driver,” sabi ni PNP officer-in-charge public information office chief Police Colonel Allen Rae Co sa isang pahayag.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GTV News Balitanghali, sinabi ni Co na naaresto ang mga suspek bandang 8:20 a.m. sa Barangay Dau, Mabalacat City, Pampanga, matapos ang masusing imbestigasyon at follow-up operation ng Northern Police District Special Investigation Task Group (SITG).
Sinabi ng PNP na natukoy ang mga suspek na nakasakay sa motorsiklo na nakita sa CCTV footage at iba pang mga video malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Tumutugma rin ang kanilang pagkakakilanlan sa deskripsiyon ng mga saksi.
Nilinaw ng PNP na patuloy ang imbestigasyon sa kabila ng pagkakaaresto ng mga suspek.
Sinabi ni Co na mayroon silang impormasyon na maaaring may ibang tao na sangkot sa pagpaplano at pagsasagawa ng pagpatay sa vlogger.
Idinagdag niya na tinitingnan din nila kung pulitikal, personal na galit, o pareho ang motibo sa pagpatay.
Una nang sinabi ng PNP na nakilala ang mga suspek 24 oras matapos ang insidente ng pamamaril sa tulong ng CCTV footage sa lugar.
Binaril si Lipata ng mga salarin sa labas ng kaniyang tahanan sa Caloocan City noong Hulyo 17. Sugatan din ang kaniyang live-in partner sa pag-atake.
Kilala si Mima Alicia sa kaniyang pulitikal na komentaryo, na hayagang sumusuporta kay Presidente Ferdinand Marcos Jr. at kritiko naman ni Bise Presidente Sara Duterte at ang mga kaalyado nito.—FRJ GMA News
