Inihayag ni "Hipon Girl" Herlene Budol na tulad ng marami, naging problema rin ng kanilang pamilya ang pera nang magkaroon ng pandemya.

Sa panayam ni Toni Gonzaga sa kaniyang vlog na "Toni Talks," sinabi ni Herlene na "back to zero" sila sa pera nang matigil sa trabaho dahil sa mga ipinatupad na lockdown.

Ayon sa TV host-comedienne, tinipid niya ang sarili para  nakapag-ipon kahit kaunti na umabot sa P100,000 noong napapanood pa siya sa "Wowowin." Pero naubos din dahil sa pagtustos sa gastusin sa kanilang bahay.

"Inipon ko lang. Buti na lang nag-ipon ako, kung hindi patay kaming mga pamilya ko dahil sa pandemic," ani Hipon.

Sinabi ni Herlene na bukod sa pangangailangan sa bahay, siya rin ang nagbabayad ng kuryente at gamot ng kanilang lolo't lola.

"Umiiyak ako araw-araw. Dumating ako sa point na parang ayoko na. Ayoko nang magpakita sa pamilya ko. Nahihiya ako," ani Herlene.

"Back to zero kami. Walang wala na talaga, kahit hanggang ngayon, wala na talaga akong pinagkukunan ng pera. Kasi sa akin nga umaasa buong pamilya ko, dati pagkain lang, pero ngayon pati kuryente sa 'kin," dagdag niya.

Nagpasalamat si Hipon kay Alex Gonzaga dahil sa tulong sa kaniya, at labis na natuwa sa iniregalo sa kaniyang Gucci purse.

"Si Ate Alex lang tumulong sa 'kin," aniya. "Naiyak po ako dahil sa ano Gucci talaga. Mas mahal pa po sa bahay namin kasi yung bahay namin mura lang daw nun."

Aminado rin Herlene na inakala niya noon na may mga proyektong darating sa kaniya pagkatapos ng "Wowowin."

"Akala ko, may pagkukunan ako pagkatapos po ng 'Wowowin.' Wala po talaga," saad niya.

Nahihiya rin siya sa mga lumalapit sa kaniya para humingi ng tulong dahil wala siyang maibigay.

"Akala po nila, masayahin lang ako, pero hindi po ako masayahin talaga. Lagi po ako umiiyak kapag nakakapos po kami," dagdag ni Herlene. "Wala na po akong pinaghuhugutan."

Pag-amin pa ni Herlene, hindi rin kalakihan ang kinikita niya sa kaniyang pagbi-vlog. Pero nakatutulong umano sa kaniya ang social media at TikTok para sa kaniyang "raket."

"'Pag may raket po, nagpapa-post, nagpapa-TikTok, doon na lang po ako bumabawi, kasi 'pag wala po yun wala na po akong pagkukunan," paliwanag niya.

Sabi pa ni Herlene, ngayon niya nararanasan talaga ang maging breadwinner sa pamilya.

"Dati 'di ako nawawalan ng pera sa wallet. Dati po kasi, walang nag-e-expect sa kin. Ngayon sa 'kin na po lahat umasa," saad niya.

Pero sa kabila ng mga nararanasan, sinabi ni Herlene na natuto siya sa buhay.

"Walang permanent dito sa mundo. 'Wag kang makampante na merong taong gagabay sa 'yo. Dapat gumawa ka rin ng sarili mo," pahayag niya.

Ayon kay Toni, ibibinigay niya kay Herlene ang anuman na kikitain sa vlog.— FRJ, GMA News