Isang 27-anyos na OFW sa Jeddah, Saudi Arabia ang nasawi matapos umanong mahulog mula sa sasakyan. Pero ang pamilya ng biktima, duda na aksidente ang nangyari.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Raymond Ambrocio, tubong Nueva Ecija.

Pebrero 16 nang makatanggap ng tawag ang pamilya ni Ambrocio sa Pilipinas tungkol sa masamang balita na nangyari sa kaniya.

Pero hinala ng kaniyang mga kaanak, sadyang pinatay si Ambrocio.

"Sa tingin ko po yung nangyari sa kaniya pinagplanuhan nung mga kaibigan niyang ibang lahi," ayon kay Richard, kapatid ng biktima.

Mayroon daw mga pasa sa katawan at  bakas ng sakal sa leeg ang biktima, ayon pa kay Richard.

Ilang oras bago maganap ang sinasabing aksidente, nagkapagpadala pa raw ng video ang biktima sa kaniyang mga kamag-anak habang nasa sasakyan.

Sa video, makikita si Raymond na nakaupo sa likod ng sasakyan at may katabi na isa pang lalaki.

Hiling ng kaanak ni Raymond na mabigyan siya hustisya at maiuwi na kaagad sa Pilipinas ang kaniyang mga labi.

Ayon kay Richard, sinabihan sila na baka abutin ng tatlong buwan bago maiuwi ang mga bangkay ni Raymond dahil sa mahirap ang mga ginagawang pagproseso.

Gayunman, tiniyak ni Esperanza Cobarrubian, OIC-OWWA-Region 3, inaasikaso na ng embahada ang pagpapauwi sa mga labi ng biktima.--FRJ, GMA News