Nasa 13 kabahayan ang nasira at ilang puno ang natumba nang manalasa umano ang isang buhawi sa Baguio District , Davao City.

Sa ulat ni RGil Relator ng RTV-One Mindanao sa “Balita Pilipinas” nitong Huwebes, ikinuwento ng mga residente sa Barangay Gumalang na nanalasa ang malakas at paikot-ikot na hangin matapos bumuhos ang malakas na ulan noong Lunes ng hapon.

"Sobrang takot naman kasi napakalas ng hangin na 'yon, umiikot," saad ng residenteng si Norma Diaz.

"Natumba na itong mga puno," ayon naman kay Jackelyn Diaz. "Tumakbo kami papunta dun kasi doon lang ang safe na lugar."

Sa video, makikitang wasak ang ilang mga bahay at tuklap ang mga bubong dahil sa umano’y buhawi.

Sa pagsusuri ng barangay, 13 bahay ang nawasak at aabot naman sa P30,000 ang halaga ng produktong pang-agrikultura ang nasira. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News