Napatay ng isang mister sa suntok at pagtusok ng kahoy ang isang lalaki na nahuli umano niyang kasiping ng kaniyang misis sa Ilocos Sur. Ang misis, napag-alaman na may mental disorder.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing 69-anyos ang lalaking napatay sa Sigay, Ilocos Sur.

Natagpuan ang lalaki na may mga sugat sa mukha at walang saplot na pang ibaba.

Inaresto naman ang mister, na ayon sa pulisya ay aminado na nagawa niyang pagsusuntukin ang lalaki dahil sa matinding galit nang makitang kasiping ang kaniyang asawa.

Nang may makitang kahoy, tinusok din umano nito ang mukha ng lalaki.

"Parang pangdisiplina lang sana pero umalis na not knowing, yung pala patay na [ang lalaki]." ayon kay Police Lieutenant Renato Mangaya Jr., OIC-Sigay Police Station.

Sinabi pa ni Mangaya na nakahiwalay umano sa mismong bahay ang kinaroroonan ng misis dahil mayroon itong mental disorder.

Galit naman ang nararamdaman ng mga kaanak ng lalaki dahil sa pagkamatay nito.

"Sabi ng relatives niya [ng lalaki] bakit pa niya pinatay. Sana inireklamo na lang sana," ayon sa opisyal.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mister na sinampahan na ng kaukulang reklamo.

Nitong lang Martes, iniulat na isang mangingisda sa Magsingal, Ilocos Sur, ang naaktuhan naman ang kaniyang misis na kasiping ang kaniyang kapitbahay.

READ: Misis at umano'y kalaguyo, naaktuhan ni mister na nagtatalik daw sa kanilang bahay

Ipinahuli ng mangingisda ang lalaki, pati na ang kaniyang misis. --FRJ, GMA News

Tags: