Sinimulan nang ipatupad sa Lapu-Lapu City, Cebu ang kautusan ng lokal na pamahalaan na dapat magpakita ng vaccination card ang mga papasok sa mall doon. Ang mga hindi bakunado, kailangan magpa-antigen rapid test sa COVID-19. 

Sa ulat ni Lou Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing pinaigting pa ng lokal na pamahalaan ang vaccination drive at pinapayagan na ang mga walk-in na magpapabakuna kontra COVID-19.

Kasabay nito, sinimulan nang ipatupad ang kautusan ng lokal na pamahalaan na hingan ng vaccination card ang mga papasok ng mall.

Ang mga hindi bakunado, kailangang sumailalim sa antigen COVID-19 test para makapasok.

Aminado ang isang opisyal ng isang mall na posibleng mabawasan ang mga papasok sa establisimyento dahil sa kautusan ng LGU.

Gayunman, mas mabuti pa rin umano ito bilang ang pag-iingat para hindi na muling magkaroon ng surge ng COVID-19.

Ayon naman sa isang opisyal ng local vaccination operation center sa lungsod, paraan din ang pagre-require ng antigen test para mamonitor ang mga nagpopositibo sa virus na hindi bakunado pa.

--FRJ, GMA News