Nauwi sa trahedya ang masaya sanang bonding mga magkakaiban at kanilang mga kaanak nang malunod ang tatlo nilang kasamang menor de edad sa isang ilog sa Isabela.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Devine Racraquin, 14-anyos; Ethel Racraquin, 17-anyos; at Faith Joy Cabanilla, 16-anyos.

Nangyari ang trahedya sa ilog na dating quarry site sa Barangay Camarunggayan sa bayan ng Aurora.

Ayon sa pulisya, kasama ng mga biktima ang kanilang mga kaanak pero kaagad umanong naligo sa ilog ang tatlo.

Napunta umano ang mga biktima sa malalim na bahagi ng ilog. Dahil sa dati itong quarry site, mayroon umano itong bahagi na abot sa 10 talampakan ang lalim.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.

Sa Santa, Ilocos Sur, isang 40-anyos na lalaki ang nalunod din sa ilog matapos na mag-picnic at mag-inuman sa lugar kasama ang mga kaibigan. --FRJ, GMA Integrated News