Matapos ang pamamana ng mga aso sa Murcia, Negros Occidental, tatlo namang aso sa isang barangay sa Zarraga, Iloilo ang nabiktima ng naturang kalupitan sa hayop.

Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV "One Western Visayas," sinabing hindi mga asong-gala ang dalawang aso na may tama ng pana sa likod ang isa, at malapit naman sa leeg ang tama ng isa pa.

Alaga ni Vincent John Bornales ang dalawang aso na hindi raw niya pinapalabas ng kanilang bakuran sa Barangay Poblacion Ilaud, kaya masama ang loob niya dahil naging biktima pa rin ang mga ito ng kalupitan.

Kuwento niya, pakakainin na niya ang kaniyang 14 na mga alagang aso nang makita niya ang nakabaon na pana sa dalawang alaga.

Matapos maipagamot, maayos na ang kalagayan ng dalawang aso.

Inireport na ni Bornales sa barangay ang insidente pero hindi pa sa pulisya.

Napag-alaman na bukod sa mga alaga ni Bornales, naging biktima rin ng pamamana ang alaga ni Marielle Caroleen Balintongog, na sa gilid ng katawan bumaon ang pana.

Aminado si Balintongog na pinapakawalan niya noon ang aso sa kanilang paligid pero hindi naman daw ito nakakapaminsala at hindi rin nanghahabol ng mga tao.

Matapos ang insidente, itinatali na nila ang aso upang hindi na ulit maulit ang insidente.

Inaalaman naman ngayon ng pulisya kung tama ang hinala ng mga biktima na iisang tao lang ang pumapana sa mga aso.

“May suspek sila pero hindi pa sigurado na siya talaga. Follow-up pa ng intel kung may CCTV near the area,” sabi ni Staff Sergeant Ivan Christian Saludares, investigator ng Zarraga Municipal Police Station.

Ayon sa isang barangay official, magkakapareho ang bala ng pana na nakita sa tatlong aso.

Sinabi ni Barangay Poblacion Ilaud Chairman Virgilio Solito, Jr. na ipatatawag nila ang suspek.

Maghihigpit din ang barangay sa mga asong pagagala-gala sa kanilang lugar.

Nitong nakaraang Pebrero, dalawang aso ang naging biktima ng pamamana sa Murcia sa lalawigan ng Negros Occidental.

Isa sa mga aso na si "Tiktok," ang nagtama ng limang tama ng pana, at nanghihina na nang makita ng kaniyang amo. -- FRJ, GMA Integrated News